The Working Pinoy

Dito sa Amin: Magtataho

“Tahoooooooooo.”

May mga umagang ito ang gumigising sa akin. Mula sa mahinang panimula hanggang sa palakas na ng palakas ang alingawngaw. Alam ko sa sarili ko na, ito lang ang tanging hahabulin ko kapag hindi ko naabutan. Minsan ito ang natatanging soundtrack ng aking mga umaga tuwing bakasyon. Ang malumanay pero maangas na boses ni Kuya Jopet, ang aming magtataho, yung tipo ng boses na pwedeng maka-100 sa videoke.

Kasama sa umaga

Isa na yata ang taho sa mga hindi pwedeng mawalang almusal ng Pilipino. Pag tinanghali na dumating ang suking tindero niyo, pwede na rin siyang meryenda bago ang tanghalian. Pero kung ganun man, kaya kong maghintay, mainitan lang ang sikmura ko. Biruin mo yun, napakasimpleng pagkain, tatlong sangkap lamang ay buo na ang araw ko.

Sa una palang na pagsigaw ni Kuya Jopet, isa-isa na rin sa pagsagot ng “taho” ang aming mga kapitbahay para tawagin siya. Mga kapitbahay kong nakapangtulog pa, para bang inaantay din ang boses na gigising at makapagpapabangon sa kanila. Dala ang kani-kanilang baso at baryang pangbayad, sila’y agad-agarang lalabas para bilhin ang kanilang almusal. Hindi ba’t nakakatuwa? Hindi na natin pinapansin ito, pero hinding hindi mo ito makikita sa ibang bansa.

Limang piso, sampung piso, at hanggang ilan pang gusto mo. ‘Yan ang presyo ng bentang taho ni Kuya Jopet, depende pa minsan sa laki ng baso mo, alam na niya yan para hindi mo siya malalamangan. Sa ilang taon ba naman niyang magtataho, ay kabisado na niya lahat ng galawan!

Dito sa Amin: Magtataho

Trabaho lang, pero minsan personalan din

Sa ilang taon kong pagbili kay Kuya Jopet na aming magtataho, at sa araw-araw niyang pagbabanat ng buto sa ilalim ng tirik ng araw, may mga pagkakataon ding nakakausap ko siya. Maiba lamang ang usapan na umiikot madalas sa tubig na naiipon ng madulas na tokwa.

Mayroon siyang dalawang anak na lalaki, nasa elementarya at madalas niyang sinasama sa paglalako tuwing bakasyon. Sa paraang ito daw niya nakakausap ang mga ito at para na rin makita nila ang trabaho niya. Malalaman mo sa bilang ng mga nagdaang taon ang kaniyang sipag at abilidad na buhayin ang kaniyang pamilya.

Kaya naman sa mga nakalipas na taon ay umasenso na din si Kuya Jopet sa paglalako ng taho. Malayo pa lamang ay maririnig na ang kanyang sigaw, pero sa halos sampung taon niya ng paglalako ay nakapundar na rin siya ng motor at sidecar. Kaya ngayon ay may busina nang kasabay ang kaniyang pagbati sa amin tuwing umaga.

Laking pasasalamat ni kuya sa bawat tahong kaniyang naibebenta. Dahil sa payak na almusal na ito, patuloy niyang naibibigay ang kailangan ng kaniyang pamilya. Bonus na ang prinsipyo ng pagkakaroon ng isang marangal na trabaho.

RELATED: [Dito sa Amin: Richie Store]

Tiyak ako, mas mainit pa sa taho ni Kuya Jopet ang pagmamahal ng aming kalye sa kaniya. Hindi lamang dahil sa kanyang tinda, pero dahil na rin sa kaniyang pusong kasing lambot ng tokwa.

Alam kong may kanya-kanya tayong Kuya Jopet, kuya man sila o ate, magtataho o tindera ng kung ano. Aminin nating sila’y mahalagang sangkap na bumubuo sa ating umaga, na kapag wala sila ay parang sablay ang panimula ng araw natin. Gaya ng tahong kanilang ibinebenta, hindi sila mawawala sa ating mga kanto at kalsada, laging handa ang matamis na taho, kasing tamis ng kanilang mga ngiti.

This post was submitted by Reese, an avid reader of Flying Ketchup.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *