Voices

Dito sa Amin: Richie Store

May kanya-kanya tayong dahilan sa pagpunta natin sa isang sari-sari store. Sa Sabadong ito, tirik ang araw nang ako’y naglakad patungo sa aming suking tindahan, ang Richie Store. Ang aking misyon—isang pakete ng pampalasa sa pagluluto. Hindi nirerekomendang gamitin sa bawat lutuin, pero hilig pa din ng karamihan dahil sa taglay nitong, ‘magic.’

Ang tindahan ni Tita Richie ay payak, maliit lamang at hindi ganun karami ang tinda. Pero sa unang tingin, kitang buhay na buhay, kinukulayan ng mga paketeng nagmistulang banderitas ng piyesta. Hindi mawawala riyan ang mga sachet ng shampoo, sabong panlaba, mga powdered juice, instant coffee, at siyempre ang mga seasoning mix. Mayroon ding itlog, asukal, hanggang sa mga gamit pang-eskwela tulad ng mga Papel de Hapon at Manila paper. Sari-sari store nga naman, para sa sari-saring pangangailangan.

Bukod sa mga nakasabit ay ang mga karatulang nakapaskil. Gawa sa mga ginupit na kahon ng sigarilyo, sa mga ito’y nakasulat na pwede mag load, listahan ng mga tindang tocino at longganisa, at ang pinaka-notorious sa lahat—ang babala na “Bawal ang utang, bukas na lang.” Bukas na tila walang katapusan.

Dito sa Amin: Richie Store

At sino naman kaya ang magtatangkang umutang? Eto kayang mga nagpapahinga mula sa laro ng basketbol? Malabo. Kabisado na nila ang kalakaran. Bayad na ang mga softdrinks at ice tubig na sinisipsip nila mula sa mga supot ng yelo. Mayamayang hapon, magdaratingan na rin ang mga batang bibili ng ice candy pampalamig. At kinagabihan, mapupuno naman ng mga naghahanap ng tipid at kumportableng maiinuman, malayo sa kanilang mga asawa’t biyenan.

Sa aking pagbili ng pakete ng mahikang pangluto ay napaisip ako: ilan na kaya ang mga pangarap na natupad sa bawat benta? Sa mga anak ni Tita Richie, ilan na ang napag-aral dahil sa hindi na mabilang na piraso ng yelo o sachet ng shampoo na naipagbili?

Nakatutuwang isipin na may mga kanya-kanyang kwento ang bawat transaksyon sa sari-sari store ni Tita Richie. Napakarami na ring natulungan sa pagkakaroon ng solusyon sa mga pang araw-araw na pangangailangan. Ako, isang dalaga na isang sachet lang ang kailangan para mas sumarap ang aming pananghalian. Sa iba, baka isang bolpen sa estudyanteng naubusan na, o bote ng alak sa mga may problemang gustong makalimot kahit panandalian lang. Bawat benta, may kwento. Bawat benta, may kwenta.

Dito sa Amin: Richie Store

Sa ilalim ng init ng araw habang ako’y pabalik sa aming bahay, naalala ko sa Richie Store ang pinagmamalaki nating katangian ng mga Pilipino: ang ating likas na pagiging matulungin. Sa bawat komunidad, nariyan ang isang tindahan tulad ng kay Tita Richie na may handang sagot para sa ating mga pangangailangan. Isang uri ng bayanihan na hindi kasing dramatiko ng pagbubuhat ng bahay, ngunit angkop sa modernong panahon. Kapag naiisip ko ang pagiging Pilipino, hindi lamang mga artista o sikat na boksingero ang naaalala ko. Tanda ko ang aming barangay, aming mga kapitbahay, at siyempre, ang aming suking tindahan.

This post was submitted by Tere, an avid reader of Flying Ketchup.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *