fbpx
Voices

Buwan ng Wika: Ang Papel ng Wika sa Pag-tugon sa Pandemya

Buwan ng Wika na naman, ngunit ano ba ang halaga nito sa panahon ng pandemya?

Nagbago ang mundo ng tumama ang Covid-19. Hindi natin masisi na ang isang pagdiriwang tulad ng Buwan ng Wika ay napa-iisang tabi. Ano bang tema ngayong taon? Ano bang saysay ng pagdiriwang na ito habang nagkakasakit ang buong mundo?

Para sa maraming Pilipino, ang Buwan ng Wika ay isang pagdiriwang na ginagawa lamang sa mga paaralan. Mga mag-aaral lamang ang nagdiriwang nito. Wala siyang saysay para sa ordinaryong Pilipino. Mas lalo na ngayon na online lang ang pasok.

May lugar ba ang Filipino at ang ibang mga wika sa Pilipinas sa panahon ng Covid-19? Ano ang papel na ginagampanan ng wika sa pag-lutas ng pandemya?

Advertisement

Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika

Lingid sa kaalaman ng marami, tuloy na tuloy ang Buwan ng Wika ngayong 2020. Katulad ng mga nagdaang taon, naglabas ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng tema para sa buwan na ito. Hindi nakagugulat na ito’y napapanahon sa pinagdadaanan ng buong mundo:

Maganda ang paliwanag ng KWF. Ang imahe: tatlong tao, sumisimbulo sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Iisang bangka, na sumasagisag sa sambayanang Filipino. Ang mga alon bilang pagsubok na dala ng Covid-19. Maganda, pero mas laliman natin ang diskusyon.

Ang puno’t dulo ay pag-unawa

Ang papel na ginagampanan ng wika ay ang pagtulong sa pag-unawa. Ayon sa KWF, ang lahat ng mga anunsiyo ng mga tagubiling pangkalusugan mula sa DOH ay “mawawalang saysay kung hindi ito ganap na nauunawaan ng publiko.”

Ang temang ito ay naaayon sa panukalang isinulong ni Senador Lito Lapid noon pang nakaraang Mayo. Sa ilalim ng Senate Bill No. 1539, nais ng senador na maisalin ang lahat ng mga anunsyo sa Tagalog at sa iba pang mga wika sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas.

Maaaring maliit na bagay para sa ilan, ngunit malaki ang ambag sa mensahe ng pagkakaisa. Kung ang mga karatig-bansa natin, tulad ng Indonesia, Vietnam, atbp., ay nag-aanunsyo sa kanilang mga sariling wika, bakit tayo,hindi natin magawa?

BASAHIN: Kailangan ba talagang magalit? – Ang aking palagay sa lathala ni F. Sionil Jose

Pamumuhay sa isang bayan na hitik sa wika

Bayanihan ang sasalba sa atin mula sa pandemya. At sa dinami-rami ng wika sa Pilipinas, minsan nahihirapan tayo magkaintindihan. Hindi lahat nakaiintindi ng Ingles o Tagalog. Kung gusto natin matugunan ng buo ang pandemya, magsisimula ito sa pag-unawa.

Ang Buwan ng Wika ay ‘di lamang isang pagdiriwang na ginagawa sa loob ng paaralan. Ito’y mahalaga dahil pinapaalalahanan tayo na ang pagiging Pilipino ay pamumuhay sa isang bayan na may higit sa isang salita.

Ang ating pagkakaiba-iba ang nagpapaganda sa ating kultura. Kailangan itong isaalang-alang upang malampasan natin ang pandemyang ito.

Show More

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close