Voices

Kailangan ba talagang magalit? – Ang aking palagay sa lathala ni F. Sionil Jose

Kamakailan ay naglabas ang batikang manunulat na si F. Sionil Jose ng isang artikulo sa isang pahayagan na may pamagat naWhy I Am Angry” (Bakit Ako’y Galit); at sa lahat ng kanyang mga binanggit, medyo napagisip-isip rin ako.

Nais kong suriin ang kanyang mga binanggit na punto, at nais kong simulan ang diskurso sa pamamagitan ng pagtatanong ng, una, bakit nga ba siya galit, at pangalawa, dapat bang magalit din ako?

Nagsimula siya sa pag-alala sa kanyang mga dinanas sa buhay – mga personal na kwento. At kung hindi ka pamilyar sa kaniya, ay tunay kang mamamangha sa kaniyang mga gunita. Marami siyang makapangyarihang taong nakasalamuha, at ang tema ng kanyang mga kwento ay hindi nagbabago – tila lahat ng ito ay tungkol sa mga nasayang na pagkakataon.

Nakausap niya si Pangulong Elpidio Quirino at ilang mga negosyante tungkol sa industriyang pandagat. Dapat daw ay gumawa na rin tayo ng mga barko, dahil sa atin din naman nanggaling ang mga galyon na laganap noong panahon ng mga Espanyol. Naunahan lang daw tayo ng mga Koreano, na ngayon ay nangunguna sa industriyang ito sa buong daigdig. May patutsada pa siya patungkol sa Tsina, na kung sinimulan daw natin ito dati pa, mas maipagtatangol natin ngayon ang ating soberanya sa West Philippine Sea.

Nagpatuloy siya, at ikinwento na dati’y pumunta siya sa Mindanao noong siya’y isa pang mamamahayag. Sa kanyang palagay, ang solusyon sa problema sa Mindanao ay hindi pagpapakita ng lakas ng ating sundalo, kundi ang paglutas sa puno’t dulo ng gulo – bigyan ng kalayaan ang mga kapatid nating Moro na patakbuhin at pagyamanin ang kanilang rehiyon.

Ayon kay Jose, ang di pagtuon sa puno’t dulo ay siya ring dahilan ng pag-aaklas ng mga Hukbalahap noong 1949 – kung nakinig lamang ang pamahalaan sa mga hinaing ng mga magsasaka, na hindi nagmamay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka, hindi na siguro sila nag-aklas.

At syempre, umabot siya sa panahon ng rehimeng Marcos. Ayon kay Jose, “binasag [ni Marcos] ang isang buong henerasyon ng mga mamumuno, at winaldas ang henerasyon ding iyon, kahit na tinipon niya sa kaniyang tabi ang ilan sa mga pinaka-magagaling nating mga dalubhasa (sa kanyang lathala, technocrats)”. Kaya din sana ng pamahalaang iyon na gawing moderno ang ating bansa, tulad ng ginawa ng mga pinuno ng mga bansang Singapore, South Korea, at Taiwan, na katulad ni Marcos ay may position din ng lubos na kapangyarihan.

Mariin niyang tinanong, tungkol sa mga pinunong sumunod kay Marcos – “anong problema sa kanila? At anong problema sa atin?”

Ang mapait na sagot

Ang puno’t dulo ng kanyang pagsusuri sa lahat ng mga nabanggit niyang pangyayari ay ito – karamihan sa mga luma nating problema ay dulot ng kolonisasyon, ngunit ngayon hindi na banyaga ang sumisiil sa atin, kung hindi ang ating mga “elites” – ating mga pinuno, at ating mga pulitiko.

Kanyang pagpapaliwanag – “nakita ko ang lahat ng mga pagkakataong hindi nila sinunggaban, at nakita ko na tayo rin ang may kasalanan dahil hinayaan natin silang maliitin ang kanilang mga posisyon, at abusuhin ang kanilang kapangyarihan, na dapat napunta sa mga taong tapat na namumuno sa ating mga kababayan at sa ating bansa.”

“Tayo mismo ang tunay nating kalaban,” sabi niya.

Lahat ng ito ay humahantong sa dahilan kung bakit siya galit:

“Galit ako sapagkat nakita kong winaldas natin ang lahat ng ating mga pagkakataon. Galit ang bubuhay sa atin, sapagkat kapag hindi na tayo galit, ibig sabihin ay patay na tayo, at hindi natin kayang tumugon sa mga pagsubok na nagbabadyang sirain ang malungkot nating bansa.”

Dapat din ba tayong magalit?

Ngayong alam na natin ang kaniyang dahilan, gusto kong balikan ang tanong ko sa simula ng lathalang ito – dapat din bang magalit ako?

Kung pag-iisipan mong maigi, totoo nga bang ang pinakamalala nating kaaway ay ang ating mga sarili? Totoo ba ang mga dahilang binanggit niya, kung bakit hanggang ngayon ay mabagal pa rin ang pag-unlad ng ating bansa?

At kailangan ba talaga nating magalit, sa kalagayan ng bansa natin ngayon? Galit, na dadagdag pa sa hirap na dinaranas natin araw-araw?

Kung hindi tayo galit, ayon kay Jose, patay na tayo, at kung patay na tayo, ibig sabihin wala na tayong magagawa.

Kung totoo ito, lumalabas na ang lahat ng ito ay kasalanan natin. Parang hindi na tayo natuto sa kasaysayan.

Ngunit teka, kasalanan ko bang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman, at ang mga mahihirap ay lalong humihirap? Kasalanan ko bang wala akong magawa, dahil ang una kong prayoridad ay gampanan ang mga tungkulin ko sa aking pamilya? Kasalanan ko bang may mga pinunong abusado, na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang mapagyaman nila ang kanilang mga sarili?

Hindi naman ako pulitiko, wala akong balak tumakbo – ano bang magagawa ko?

Baka nga kailangan nating magalit. Magalit, para masigurong ang mga taong nasa gobyerno ay ginagampanan ng maayos ang kanilang tungkulin. Magalit, upang hindi na maulit ang pagwawalang bahala ng mga nasa kapangyarihan sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Magalit para masigurong sa susunod na halalan, boboto ako ng may paninidigan.

Maraming mabuting magagawa ang galit, kapag ito’y may patutunguhan, at hindi wala lang.

Sa lahat ng mga nasabi ko, isang wakas lang ang ninanais kong isulong – kung ano man ang iyong opinyon, kung sumasang-ayon ka man kay Manong Frankie o hindi, ang mahalaga ay patuloy natin itong pinag-uusapan.

Pag-uusap na di pinangungunahan ng galit, pag-uusap na bukas sa posibleng matutunan sa taong kasalungat ng ating paniniwala, pag-uusap na mula sa lugar ng paggalang at pag-unawa.

Dahil ang puno’t dulo ng lahat – kung walang diskurso, walang pagkakaintindihan, at doon tiyak na walang pag-asa ang tunay na pagbabago.

This post was submitted by Mikoy, an avid reader of Flying Ketchup.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *