The Working Pinoy

Buhay After Abroad: Mga Kwentong Agribusiness

Prayoridad ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang makahanap ng malalagyan ng kanilang ipon pagbalik sa Pilipinas. Hindi mahalaga ang laki ng maipundar basta’t hindi masasayang ang perang kanilang pinaghirapan.

Malawak ang kanilang pagpipiliang pamumuhunan o investment: maaaring patulugin ang pera sa stock market o insurance, mag-franchise ng small business tulad ng food cart o restaurant, o mag magsimula ng sariling negosyo.

Ngunit hindi lahat ay may malaking ipon upang ipuhunan sa negosyo. May iilang OFW ang sumugal sa isang negosyong hindi nangailangan ng malaking puhunan at hindi kailangan lumayo pa sa sariling tahanan.

Pinasok nila ang negosyong pang-agrikultura, o mas kilala bilang Agribusiness.

Kabilang dito ang pagtatanim, pagsasaka, at pag-aalaga ng isda at livestock. Nagkaroon sila ng oportunidad umuwi at manirahan muli sa kanilang probinsya at kinuha nila ito ⁠— hindi lang para makasama ang kanilang pamilya, kung hindi pati na rin tutukan ang kanilang lupa.

Hindi simple ang negosyong Agriculture dahil kailangan ng masidhing pagpaplano, batayang kaalaman tungkol agrikultura, at sapat na puhanan upang masimulan at mapalago ito.

Tagtuyot na Simula

Si Lorenzo Carlos, dating driver ng mga sundalo sa Afghanistan, ay piniling bumalik sa kanyang probinsya ng Arayat, Pampanga at magtanim ng mga prutas at gulay sa lupang inarkilahan.

Hindi naging madali ang kanyang simula. Ayon sa kanyang interview sa Agriculture Monthly, nawalan siya ng malaking halaga nang pinagsabay niyang itanim ang papaya at hot pepper.

Kahit hinikayat na siya ng kanyang misis na maghanap ng bagong trabaho abroad, humingi siya ng isa pang taong upang mabawi ang naluging pera.

Buhay After Abroad: Mga Kwentong Agribusiness pic 1

Sa kanyang pagpupursigi bumalik sa pagtatanim, hindi lang siya nakabawi ⁠— llibu-libo na ang kanyang nakukuha sa bawat harvest ng upo, ampalaya, kamatis, atbp.

Kwento ng kanyang misis na si Aissa, dati ay nakakaharvest sila ng mahigit Php 8,400 kada araw. Bawat dalawang araw ay natatanggap nila ang halaga ng pension na dati ay kada buwan lang nila nakukuha.

Malawak na Kaalaman

Naging malaking tulong kay Lorenzo makilala ang mga bagong produkto at teknolohiya upang mapalago ang kanyang negosyo. Importante sa Agribusiness ang matutunan ang tradisyonal at modernong pamamaraan ng pagsasaka.

Si Noel Cabrera, ay sumali sa iba’t ibang training at seminar upang mapalago ang kanyang kaalaman sa Agribusiness. 9 na taon naging factory worker sa Taiwan si Noel bago siya makabalik sa kanyang probinsya ng Solano, Nueva Viscaya at mamuhay bilang isang magsasaka.

Naniniwala siyang mas mabuti pa rin ang magtrabaho sa sariling bayan at sa lupang pinanggalingan.

Ayon sa kanyang panayam sa PhilRice, nanatili siyang up-to-date sa makagabong pamamaraan ng pagsasaka. Bukod sa kanyang mga natutunan sa mga sinalihang training, nakinig siya sa mga payo ng kapwa magsasaka.

Buhay After Abroad: Mga Kwentong Agribusiness pic 2

Ngayon, si Noel ay isang advocate ng Organic Farming, o ang paggamit ng organic fertilizer sa lahat ng tinatanim.

Hindi lang bigas ang kanyang inaani. Parte na ng kanyang malawak na bukid ang taniman ng prutas at gulay. Mayroon din siyang fish pond para sa produkyon ng tilapia at backyard poultry farm para sa manok, gansa at pato.

Maagang Pagpaplano

Aminado sina Lorenzo at Noel na malaki ang kanilang sinakripisyo lalo na pagdating sa puhunan. Pareho silang nag-ipon muna bago umuwi ng bansa at nagsimula sa wala.

Ngunit may isang OFW ang nagpapatakbo ng kanyang Agribusiness habang nananatili sa kanyang pinagtatrabahuan sa ibang bansa.

Hinikayat ni Ar-jhay Javier ang kanyang mga kapatid na OFW na umuwi sa kanilang bayan sa Bohol at simulan ang RJ Farms kasama ang kanilang ama. Kung hihintayin niya pang makapag-ipon ng malaki upang magsimula ng negosyo, baka matatagalan pa ito.

Dahil lumaki siya sa kabukiran, maagang natuto si Ar-jhay sa pagtatanim at pagsasaka. Kaya’t nang nagkaroon na siya ng sapat na ipon, agad-agad niyang plinano ang pagpapatayo ng sarili nilang taniman at sakahan.

Buhay After Abroad: Mga Kwentong Agribusiness pic 3

Sa kanyang interview sa Agribusiness How It Works, nakikita lang niya ang pag-unlad ng kanilang sakahan sa mga litratong pinapadala ng kanyang pamilya. Nababantayan niya ang produksyon kahit hindi pa siya nakakaapak dito. Pagbalik niya ng Bohol, makikita niyang buo ang pinaghirapang lupain.

Hindi lang ipon ang naging puhanan ni Ar-jhay sa kanyang Agribusiness. Ang kanyang pamilya ay naging tunay na puhanan ng RJ Farms. Sila ang naging mata, kamay at paa ni Ar-jhay, habang siya ang naging utak sa likod ng buong negosyo.

Ayon kay Ar-jhay, malaking bagay sa mga OFW ang mag-isip ng negosyong sang-ayon sa kanilang kaalaman, pinag-aralan at kapasidad.

Buhay After Abroad: Mga Kwentong Agribusiness pic 4

Bunga ng Agrikultura

Dahil sa mga karanasan nina Lorenzo, Noel, at Ar-jhay sa Agribusiness, umunlad ang kanilang buhay.

Maraming sektor ng gobyerno ang hinihikayat ang mga OFW magsimula ng Agribusiness dahil malaking tulong ito sa lokal na ekonomiya. Malawak ang mga lupain ng probinsya at malaki ang mga oportunidad para sa mga pamilyang naninirahan dito. Dahil sa Agribusiness, nalilinang ang kabukiran at dumadami pa ang mga trabaho.

Kung may sapat na ipon at may sapat na pagpaplano, maaaring i-invest ito sa Agribusiness. Maaaring ito ang negosyong para sa’yo!

Kailangan lang ay may hilig ka sa buhay ng pagsasaka, at gusto mong matutuo magpundar at magpalaki ng negosyo. Bukod sa makakasama mo ang iyong pamilya, ikaw pa ang boss ng sarili mong kompanya.

READ: DAR-Caraga: deepen youth’s knowledge on agri importance

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *