
Kayod Nang Kayod, Bakit Kulang Pa Rin?
Hindi na sapat ang Hustle Economy tulad noong 2020.
After ng shift, sumasideline bilang rider. Pagkatapos ng ilang oras sa biyahe, magbabakasakali na may matitira pa pagkatapos magpa-gasolina.
Sa bahay, si Mommy sumusubok ng online selling. Kinukunan ng pic ang mga bentahin, sumasagot sa mga makukulit na nagtatanong, magpa-pack ng order, at mangongolekta ng mga payment. Patingin-tingin sa phone sa pagitan ng mga gawaing bahay, baka may customer.
Napakarami sa atin ngayon ang ganito, naghahanap ng mga paraan para kumita. Pero parang kinukulang pa rin…
Hindi pa natin pinag-uusapan ang tulog. Ang social battery na ubos na rin. Ang pasensyang kailangan para sumagot nang maayos sa customer, makinig sa anak, o makipagkuwentuhan sa asawa pagkatapos ng napakahabang araw.
Pati pahinga, kailangang ipagpaliban. Sayang ang oras na puwedeng pagkakitaan.
Dito nagiging mabigat ang usapan tungkol sa diskarte. Ipinagmamalaki natin ang pagiging maparaan ng Pilipino. Maraming pamilya ang naitatawid ng raket, maliit na negosyo, at dagdag na trabaho.
Pero hanggang saan ang kayang punan ng diskarte kung ang kita ay kulang para sa regular na gastusin? At paano yung biglaan, mga emergency? Nakakatakot na isipin.
Masipag ang Pilipino. May talento, talino, at kakayahang matuto. Pinakikinabangan sa ibang bansa ang husay ng ating mga nurse, seaman, engineer, caregiver, at marami pang iba.
Dapat dito rin, may pagkakataong kumita nang sapat ang parehong sipag at husay.
Para sa fresh graduate, masasagot mo ba: Magkano ang matitira pagkatapos ng pamasahe, pagkain, at renta? May maiaabot ba sa bahay? May maiipon ba, kahit kaunti?
Para sa gustong lumipat ng career, kaya bang tanggapin ang mas mababang panimulang sahod habang may binabayarang tuition, hulog, at gamot?
At para sa naghahanap ng second job: saan pa isisingit? Ilang oras ng tulog ang ibabawas?
Kaya hindi sapat na sabihing may trabaho naman.
Ang gusto ng Pilipino, trabahong may kitang makabubuhay.
May trabaho ka nga, pero nangungutang bago mag-suweldo. May dagdag na kita, pero napupunta lang sa dagdag-presyo ng bilihin. Kapag may nagkasakit, ubos ang ilang buwang pinagpaguran.
Mahalaga ang dagdag-sahod dahil ngayon ang bayarin. Hindi puwedeng ipambayad sa kuryente ang pangakong balang araw ay mararamdaman din ang pag-unlad.
Kasabay nito, kailangang tulungang lumago ang mga negosyong kayang magbigay ng mas magandang trabaho. Ang maliit na negosyante, naiipit din sa mahal na kuryente, krudo, renta, at puhunan. Kapag mas maayos ang mga kondisyong ito, mas may kakayahan siyang magpalawak at magpasahod.
Ganoon din sa training. Magandang hikayatin ang mga tao na matuto, pero dapat may malinaw na patutunguhan: anong trabaho, magkano ang kita, at may tumatanggap ba talaga?
Mahirap sabihan ang pagod nang empleyado na mag-upskill kung wala siyang oras, pambayad, o katiyakang may mas magandang oportunidad pagkatapos.
At sa mga rider, freelancer, at online seller, kailangang tingnan ang totoong kinikita matapos ibawas ang lahat ng gastos. Kasama sa usapan ang proteksyon kapag naaksidente, nagkasakit, o pansamantalang hindi makapagtrabaho.
Papalapit na ang 2028, dapat mas malinaw ang hinihingi natin sa mga nangangako ng trabaho: magkano ang sahod, saan ito, sino ang puwedeng makapasok, at kailan ito magiging totoo?
Kaya bang magpahinga ng rider isang gabi nang hindi kinakapos ang pamilya? Kaya bang ibaba ni Mommy ang phone at matulog nang hindi nanghihinayang sa posibleng benta?
Mas gumagaan ba ang buhay kumpara sa kinikita natin?
May dignidad ang bawat marangal na raket. Pero dapat may pagkakataon ding mabuhay nang maayos mula sa isang disenteng trabaho.
Sa dulo ng maghapong pagkayod, sana may natitira pang pera, oras, at lakas para sa buhay na pinagpapaguran natin.



