The Working Pinoy

College grad kinukutya dahil promodiser lang

“Pride doesn’t pay bills...”

Si Jessa Mae Apal ay isang 23-year-old college grad na nagtatrabaho bilang promodiser sa isang supermarket sa Canhaway, Guindulman, Bohol. Ang kuwento niya, kagaya ng marami noong panahon ng pandemya, hirap din daw siyang makahanap ng trabaho.

Ang Kuwento ni Jessa Mae

Si Jessa Mae, mas kilala bilang Lhanglang, ay naglabas ng saloobin sa kanyang Facebook post noong June 5, 2021, kasagsagan ng COVDI-19 pandemic.

Saad sa kanyang post: “Sabi nila, college grad daw ako tapos hindi ko ginamit yung kurso ko kasi promodiser/promo girl/push girl lang ako…

“Nasaan na ba raw yung natapos ko at bakit ito lang trabaho ko ngayon?”

Dagdag pa niya, “Well, sa hirap maghanap ng trabaho ngayon, sa hirap makapasok sa mga hotels ngayon, bakit hindi ako papasok sa ganitong trabaho? Kailangan ba talaga kung ano ang natapos mo dapat yun din ang present na work ngayon?”

Mahirap ang magtrabaho noong pandemic

Ayon sa PEP.ph, taong 2020 niya natapos ang kursong Bachelor of Science in Hotel Management sa STI College Bohol. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. Pagka-graduate niya ay naghanap daw agad siya ng trabaho. Gusto kasi niyang matulungan agad ang kaniyang pamilya.

Likas na masipag si Jessa Mae

Nagbebenta din daw si Jessa Mae ng ukay-ukay noon. Kagaya ng ibang fresh college grads, naghanap siya agad ng mapapasukang trabaho. Nasubukan niyang maghanap ng trabaho sa mga hotels at resto kaso mahirap daw matanggap noong pandemic. Sa kabutihang palad natanggap siya bilang isang promodiser. Dahil dito nakatulong agad siya sa kanyang pamilya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa kasamaang palad, dito siya nagsimulang makarinig ng mga pang-ookray dahil hindi raw bagay sa gaya niyang college grad ang maging promodiser at magtulak lang ng cart sa supermarket.

Natatawang sabi ni Lhanglang, “Kadalasan po talaga mga kakilala ko pa ang nang-ookray, hihihi!”

Aminado si Jessa Mae na nasasaktan ang kanyang damdamin sa mga ganoong komento, “Medyo nakaka-down lang po talaga…

“Kasi wala naman pong masama kung maging isang promodiser kasi pinaghirapan ko po yun. Marangal po na work yun”, ayon sa dalaga.

Hindi pambayad sa bills ang pride

Sa kanyang Facebook post ay sinabi ni Jessa Mae na noong panahon ng pandemya, mas mahalaga ang merong trabaho kahit ito akma sa kursong tinapos.

“Ekis na yung puro ka kaartehan at namimili ng trabaho kasi hindi tayo uunlad niyan. As long as legal at marangal na trabaho at wala kang pili at walang arte, pwede ka.

“Paano pala kung wala pang vacant sa kurso mo? Tutunganga ka na lang? Aantayin mo kung kailan ka makapagtrabaho sa kurso mo?

“Dapat meron kang second option kasi kung mag-aantay ka lang kung kailan may magbubukas na posisyon sa natapos mo, kung attitude ka, hindi ka talaga aasenso niyan.”

Payo niya sa mga taong gustong umasenso sa buhay: Hindi lang dapat puro ambisyon!

“Sabi nila, ‘Ambition is the first step to success. The second step is action.’ So, kung hanggang sa ambisyon ka lang at wala kang ginagawang aksyon, useless lang lahat ng iyong mga ambisyon.”

Higit sa lahat, hindi raw maipambabayad sa mga gastusin ang pride.

“Kaya magsumikap ka. Pride doesn’t pay bills. Wala kang trabaho? Maghanap ka ng kahit anong trabaho. Don’t sit at home waiting for the magical opportunity. Do something until you can do something else.”

READ: Why the Philippines Ranks Second to Last Place in the World for Work-Life Balance

Jessa Mae’s Dream Job

After maging promodiser ni Jessa Mae ng apat na buwan ay nakahanap na din siya ng trabaho sa isang food park sa kanilang lugar. Ayon sa kanya mas may koneksiyon na ito sa kursong kanyang tinapos.

“Gusto ko po talagang mag-work sa mga hotels po o sa cruise ship. Yun po talaga pangarap ko…

“Kung hindi man po ibigay sa akin ni God yun at kung ano man ang plano na itinakda Niya sa akin ay tatanggapin ko basta natutulungan ko ang pamilya ko at mapagtapos ko ng pag-aaral ang mga kapatid ko.”

May words of wisdom din siya sa mga gaya niyang college graduate na hirap makahanap ng trabahong akma sa tinapos na kurso.

“Patuloy lang po tayo sa pagsisikap, at huwag nating hayaan na maliitin tayo ng mga taong puro kutya lang ang ibinibigay sa atin.

Ang aral sa kanyang kuwento

Ginagawa natin ang pagtatrabaho para sa pamilya at para sa sarili natin, hindi para sa mga taong walang ibang ginawa kundi kutyain ang buhay natin.

 

 

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *