Fertile Ground

Ang Katotohanan sa Rice Tariffication Law

Sa pagbagsak kamakailan ng presyo ng palay, hindi nakagugulat na uminit ang usapan tungkol sa bagong Rice Tariffication Law.

Umani ng batikos ang batas, at maraming mga kritiko nito ang nagsabing ito daw ay hindi pabor sa ating mga magsasaka. Ito daw ang dahilan kung bakit bumaba ang presyo ng pagbili ng palay. Ito daw ang dahilan kung bakit lalong maghihirap ang ating mga magsasaka.

“Mas mabuti pa ang dating sistema, kasi kawawa naman ang ating mga magsasaka,” sabi nila. “Dapat hindi na naipasa ang batas na yan!”

Sa kasamaang palad, ang publiko ay nabigyan ng maling impormasyon tungkol dito. Nagpadala ang karamihan sa atin sa mga litratong nagpapakita ng mga magsasakang naghihirap. Pero ito nga ba ang bigger picture?

Ano ba ang katotohanan sa Rice Tariffication Law (RTL)? Nakabubuti o nakasasama ba talaga ito sa ating mga magsasaka?

Isang maikling sagot – malaking kabalintunaan ang mga ibinabatong batikos sa bagong batas na ito, dahil lahat ng sinasabi nila ay pawang kasinungalingan. Ang RTL ay pabor sa ating mga magsasaka. Ito ang sagot para mapabuti ang industriya ng bigas at agrikultura ng Pilipinas. Ang RTL ang tunay na pagbabago sa sistemang ilang dekada nang sumisiil sa ating mga magsasaka at kanilang mga pamilya.

Bakit? Dahil ang RTL ay lunas para sa ugat ng problema – isang bulok na sistemang walang magandang naidudulot para sa ating mga magsasaka.

Ang mas malaking pakinabang ng mga taripa

Una sa lahat, inaayos ng Rice Tariffication Law ang polisiya ng Pilipinas, mula sa pagpapatupad ng quotas papuntang pagtatalaga ng mga tariffs. Ano ba ang pinagkaiba nito?

Ang isang bansa na gustong maghigpit sa importation ng mga bilihin ay pwedeng magpatupad ng tariffs (o taripa sa mga imported goods) o kaya’y quota na naghihigpit sa dami ng inaangkat na produkto.

Malinaw na mas malaki ang benepisyo ng taripa kaysa sa quota. Hindi lang ito pagkukunan ng pondo para sa pamahalaan na maibabalik sa taumbayan, kung hindi bubuo din ng sistema na hindi madaling pasukin ng katiwalian.

The Duterte effect

Sa kabila nito, pinili ng Pilipinas ang pag deklara ng quotas at mga kaparehong mga patakaran upang mapangalagaan ang mga magsasaka. At noong pinagkasunduan ang 1994 Uruguay Round Final Act (ang pagpupulong na nagsimula sa World Trade Organization), nangako ang Pilipinas na palitan ito ng mga taripa sa loob ng sampung taon.

Ang problema? Hindi ito naipatupad – nangyari lamang ito sa administrasyong Duterte. 15 taon na ang lumipas mula ang naitakdang oras ng pagpapatupad.

At siyempre, lahat ng mga ekonomista ay sumasang-ayon na ang mga taripa ay mas mabuti kaysa sa quota. Bakit?

Ang tariffs ay nakalilikom ng pondo para sa pamahalaan; ang mga quotas ay nakalilikom ng pondo para sa mga indibidual (marahil mga opisyal ng gobyerno) na nag-aapruba ng mga patakarang ito.

Sino ba sa tingin niyo ang mga may ayaw sa RTL? Ang mga tutol dito ay ang mga distributor at iba pang mga organisasyon na gustong manatili sa quota system para kontrolado nila ang presyo ng merkado.

Bakit ba natin pinagpipilitan na taasan ang presyo ng palay? Hindi ba kapag nangyari to, itataas din ang presyo ng bigas? Ibig-sabihin, dehado naman tayong mga mamimili.

Hindi pataasan ng pagbili ng palay ang sagot para sa ating mga magsasaka – ang sagot ay ang mga lunas na isinusulong ng RTL, at alam ito ng Pangulo.

Ang Katotohonan? Ang RTL ay pabor sa ating mga magsasaka

Salungat sa mga pinipilit ng mga kritiko ng batas na ito, ang RTL ay pabor sa ating mga magsasaka. Ano nga ba ang laman ng RTL, at bakit malaki ang benepisyong makukuha ng mga magsasaka natin dito?

Una sa lahat, and RTL ay magtatalaga ng mga tariffs sa mga ini-aangkat na bigas na maaaring pagkunan ng pondo ng pamahalaan. Inaalis ng batas na ito ang mga import restrictions sa mga ini-aangkat na bigas, kapalit ng (a) 35 – 48% na taripa para sa mga bansang kasama sa ASEAN, at (b) 50% na taripa para sa mga non-ASEAN na mga bansa.

Ano ang benepisyo nito? Ang malilikom na taripa ay mapupunta sa pag buo sa tinatawag nilang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na siyang magbabalik ng pera sa ating mga magsasaka.

Ang RTL ang pagmumulan ng pondo para sa ating mga magsasaka

Mahigit na ₱10-billion ang inaasahang malilikom na pondo mula sa RTL. Ito ay mapupunta sa RCEF na popondohan ang sumusunod:

  • 50% para sa mga magsasaka at mga kooperatibo, at sa modernisasyon ng kagamitang pansaka
  • 30% para sa pag-develop, pagpapalawig, at pagsulong sa lokal na palay
  • 10% para sa Landbank, upang maging pondo para sa pautang sa mga masasaka
  • 10% para sa mga organisasyon tulad ng TESDA, PhilMech, PhilRice, at Agricultural Training Institute (ATI), na magbibigay ng kaukulang pagsasanay para sa ating mga magsasaka upang maging mas epektibo ang kanilang mga pamamaraang ginagamit sa pagsasaka

Malinaw ang benepisyo ng pondong malilikom mula sa batas na ito. Ngunit hindi dito tumitigil ang mga benepisyo ng RTL.

Pagpapababa ng production costs

Ang suma total ng lahat ng mga pagbabagong ito ay ang pagpapababa sa production cost ng lokal na palay.

Tayo ang isa sa mga may pinakamahal na production cost ng palay sa buong Southeast Asia.

Para makagawa ng kilo ng bigas sa Pilipinas, kailangan gumastos ang mga magsasaka ng ₱12. Mataas ito kung ikukumpara mo sa Thailand (₱6) at sa Vietnam (₱6). At minsan, mas maganda pa ang kalidad ng kanilang bigas, at mas mura ang bilihan sa merkado. Idagdag mo pa ang delubyong dala ng bagyo, na mas madalas sa Pilipinas, paano tayo lalaban?

Sinusubukan ng RTL na ayusin ito, para maging mas competitive ang ating lokal na palay. Pagbaba ng production cost ng palay, lalaki din ang kita ng ating mga magasasaka. ‘Yan ang totoo. Walang sagot ang mga kritiko diyan.

Proteksyon para sa magsasakang Pilipino

Isang kabalintunaan na ang lahat ng mga kritiko ng Rice Tariffication Law ay nagpupumilit na masama ang batas para sa ating mga magsasaka. Sa katunayan, wala nang mas lalayo pa sa katotohonan.

Ang RTL ay para sa ika-uunlad ng industriya ng pagsasaka ng Pilipinas, mula Luzon hanggang Mindanao. Gawin natin ang parte natin para magkatotoo ang pagbabago. Magsimula tayo sa pagpigil sa pagpapalaganap ng maling impormasyon. Pag-usapan at intindihin ang isyu bago magpasiya. Tigilan na ang pagpapadala sa fake news.

Kailangan nating maintindihan na ang RTL ay makabubuti para sa lahat. Hindi lang ito para sa ating mga magsasaka, kung hindi para sa buong Pilipinas, at kinabukasan ng lahat ng Pilipino.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *