Off the Menu

Kumain ng Lokal at Natural sa isang Bamboo Restaurant sa Antique

Madalas nating pinag-uusapan ang pagtangkilik ng mga banyaga o kaya ng ating mga kababayan sa eksena ng Filipino cuisine overseas. Ngunit paano naman dito sa atin? Dapat ay hindi lang sa Maynila ang mga masasarap, kakaiba, at pinaghihirapang mga luto. Kaya naman laking tuwa namin ng mahanap namin ang restawran na eto sa Antique!

Maliban sa mga bundok at naggagandahang talon ng naturang probinsya, may isang restawran sa bayan ng Tobias Fornier na tila simbolo ng kayamanan ng ating inang kalikasan.

Ipinangalan mula sa salitang Tagalog na nangangahulugang “maging malaya” o “mas humigit pa” ang Alpas Restaurant, Guesthouse and Organic Garden. Gawa sa kawayan ang kabuoan ng Alpas at sustainable gourmet ang kanilang spesyalidad – mga pagkaing mula sa mga natural at lokal na prutas at gulay na matatagpuan sa kanilang hardin.

Higit pa sa nakasanayan

Ito ay nabuo sa isang pangarap ng dalawang indibidwal na parehong nagtrabaho sa isang restawran sa San Francisco sa California. Eto sina Chef Ken Cazeñas at Office and Events Manager na si Kimberly Eng. Mula buhay Amerika, sila’y nagdesisyong bumalik at mamuhay ng simple sa isang probinsya dito sa Pilipinas.

Hanggang 65 na katao ang kasya sa Alpas, lalo na sa mga naghahanap ng masarap at kakaibang pagkain. Wala silang permanenteng menu dahil nakadepende ang mga ihahain sa mga napapanahon at lokal na sangkap sa kanilang paligid. Kaya naman bawat ihahain ay isang bagong likha para sa nais matikman ito.

Sa halagang P350 bawat isang tao, handa na ang na nakahain na gamit ang mga plato at kubyertos na gawa sa kahoy. Bawat tanghalian ay may kasama nang inumin. Sa halagang P800 naman ay mayroon nang meryenda, gulay, ulam, at panghimagas para sa hapunan. Mayroon din silang mga iba’t-ibang alak.

Higit pa sa isang restawran

Para sa mga nais mag-overnight o magdiwang ng mga pribadong selebrasyon, mayroon ding guesthouse at organic garden ang Alpas na bukas para sa mga nais bumisita.

Nariyan ang Consuelo Guesthouse sa mga maliliit na grupong hanggang 5 katao.

May sariling kwarto, banyo, at entrance sa isang pribadong beach!

Dahil naniniwala ang Alpas sa simpleng pamumuhay, malaki rin ang kanilang pagsuporta sa mga lokal na produktong gawa ng mga taga-Antique tulad ng mga bag, kubyertos, placemat atbp. Sa kanilang tinatawag na “sari not sari” store, makikita ang iba’t-ibang regalo na puwedeng ipasalubong.

Maaari niyong bisitahin ang Alpas mula Miyerkules hanggang Linggo; 12pm-2pm (tanghalian) at 5pm-8pm para naman sa hapunan.

Paano pumunta? Malapit lang ang Alpas Restaurant, Guesthouse and Organic Garden sa National Highway ng Sitio Ban Ban, Barangay Paciencia, Tobias Fornier, Antique.

via ABS-CBN News / Kara Santos

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *