Voices

Isko Moreno: Tuloy ang Pagbabago o Palit Bida Lang?

WALANG FOREVER sa buhay pulitika. Yan ang katotohanang nilunok ni Joseph “Erap” Estrada ng siya’y matalo nitong huling halalan. Tiyak, nagsawa na ang mga Manilenyo sa pamumuno ng batikang action star at dating pangulo.

Ngunit ano naman kaya ang ibig sabihin ng pagkapanalo ng isa pang artistang si Franscisco Moreno Domagoso (Isko Moreno) bilang kapalit ni Erap? Tuloy-tuloy na kaya ang pagbabago sa lungsod? O palit bida lang?

Sa aming tingin, ang pagkapanalo ni Isko Moreno bilang Mayor ng Maynila ay magandang indikasyon ng tuloy-tuloy na pagbabago. People voted for change. The question is if it will be delivered.

Yung dating pamamalakad ng palakasan, mabagal na pag-aksyon, pagpapasikat atbp. ay sana tapos na.

Ang Kaharian ng Maynila

Hindi sikreto na ang Manila City Mayor ay isa sa pinaka pinag-aagawang puwesto sa buong Pilipinas. At ngayon, may bago nang haring nakaupo sa trono.

Isko Moreno – dating konsehal, bise mayor, at noong 2016 ay nagtangkang maging senador – para alamin ang kaniyang popularidad at kakayahang manalo.

Ayun, nanalo nga. Pero sa Maynila.

At ano kaya ang uunahin ng 44-anyos na Mayor? Napakaraming problema ng lungsod. Ayon sa kanya, prayoridad ang problema ng basura:

“I have made a commitment to clean up Manila…Dugyot kami e. Papaliguan ko lang naman.”

Tama naman ito. Matagal nang nanghihingi ng paligo ang lungsod. Parang hindi kasi seryoso ang mga dating pinuno.

Kung naaalala niyo noong July 2017, si Erap ay naging bahagi ng isang ‘clean-up drive’ sa Manila Bay. At ano ang nangyari? Naku po, na-iskandalo pa ang tao sa ginawang pagtapon ng basura ng mga tauhan niya, para lang daw sa photo-op. SusmarJoseph!

Promise of change

Suot ang kaniyang plantsadong puting polo, ngiting artista sa camera ang bagong Mayor ng Maynila. Bilib sa sarili, magaling sumagot, bibong-bibo sa kaniyang bagong posisyon. Ngunit sa likod ng mga flash ng camera at matapos ang mga presscon, alam siguro ni Isko kung anong laking problema ang pinasok niya.

Sa problema ng basura na resulta daw ng hindi pagdaan sa tamang bidding ng contractor, “Walang friends, friends,” ika ni Moreno. Hindi ba nakakatuwa? Para sa ating mga may edad na, baka naaalala ninyo ang mga salita ng bagong halal na President Erap noong 1998: “Sa aking administrasyon, walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak.”

21 years ang lumipas, naging Ingles lang. Ngunit eto na tayo, nanalo na. Bigyan natin ng pagkakataon.

Sabagay, madali namang maningil. Walang kakulangan sa binitawang pangako noong kampanya si Isko.

Listahan ng utang

  • Sa unang 100 na araw daw niya, masasagot ni Moreno ang problema ng basura. “We’ll have competition among the barangays. Palinisan. Isa bawat distrito. Anim na distrito. Mananalo sila ng tigwa-one million [pesos],” ika niya.
  • Nagsabi na rin ang bagong Mayor na kailangan dumaan sa butas ng karayom ang reclamation sa Manila Bay.
  • Siyempre, itutuloy niya daw at pag-iigihan ang paglinis sa Manila Bay. Marami siyang mababanggang negosyo dito. Isa pa, ang mga mahihirap na ang mga tirahan ang pinagmumulan ng basurang dumadaloy sa dalampasigan. Nasa 40,000 ang bilang ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi magiging madali yan.
  • Ang ilan pang problema sa tao – mga pasaway na tindera at jeepney drayber, enforcer na nangongotong – nasa listahan na lahat ni Moreno.
  • Mayroon daw siyang “10-year development plan” para sa imprastraktura. Kasama na rito ang pagtatayo ng bagong pamilihan sa Divisoria, bagong city hall, at mga malilipatan ng mga mapapaalis sa kani-kanilang mga kabahayan.
  • Ambisyon din ng bagong Mayor na gawing isang “Green City” ang Maynila. This is a tall order, parang yung pinaplanong New Clark City. May lugar pa kaya siyang mahanap na pagtataniman ng halaman? Hindi niya daw patatayuan ng gusali ang Arroceros Park. At aayusin ang Manila Zoo.
  • Sa unang taon din daw ng kaniyang termino, asahan daw ng mga Manilenyo na may magbago sa pensyon ng mga senior citizen, at may tulong na dumating sa mga estudyante sa mga aspeto ng tulong pinansyal at kalusugan.
  • Pati ang mga bakla, pinangakuan ni Moreno ng respeto sa ilalim ng kaniyang pamunuan. Nasobrahan na daw ang pagka-macho ang Maynila.

Ang batang Tondo

Lumaki sa Maynila. Batang Tondo. Basurero, nakahanap ng pag-asa sa pag-aartista. Binoto ng mga mahirap dahil galing din siya sa hirap. Pamilyar na kuwento, sana iba ang ending. Matupad kaya ang mga pangarap ni Isko Moreno para sa kaniyang minamahal na lungsod?

Matapos ang ilang taon ng paglipat kampo, pakikipag away sa mga dating kaalyado, at pag-angat ng posisyon sa pulitika – makapagdadala kaya ng tunay na pagbabago ang bagong alkalde? Sana naman. Laging nasa huli ang singilan. Dahil kung hindi, tulad ng mga nauna sa kaniya, kapag hindi niya tinupad ang kaniyang mga pangako, muli siyang isusuka sa basura na kaniyang pinanggalingan.

Show More

Related Articles

One Comment

  1. So far Mayor Esko is on his mission to “bathe Manila”. In this short period of his official function as Mayor, he has achieved so much more improvements in the 8 years of ESTRADA. Let all Manileños help and appreciate these endeavors. Mayor Esko is a miracle worker, God-given leader. But he is not perfect. He is also a human being. May God bless him always??

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *