
“GEOSPATIAL DATABASE” – ANO ‘YAN?
Ano nga ba itong National Natural Resource Geospatial Database sa ilalim ng Geospatial Database Office (GDO) na itinatag ni Secretary Toni Yulo-Loyzaga sa DENR?
Ang National Natural Resource Geospatial Database ay inumpisahan noong Pebrero 2023 sa ilalim ng GDO na pinamumunuan ni Undersecretary for Integrated Environmental Science Carlos Primo David.
PARA SAAN BA ITO?
Layon nito na i-mapa at subaybayan ang mga likas na yaman ng bansa, kasama na ang mga kasalukuyang aktibidad sa pagmimina at mga inisyatibo sa pagpaparami ng mga puno, gamit ang mga larawang satelayt.
Ayon kay Kalihim ng Kapaligiran (Department of Environment and Natural Resources) DENR Secretary Toni Yulo-Loyzaga, tinitiyak ng GDO na ang mga likas na yaman ng bansa ay naisasama sa talaan, binibigyan ng halaga, at pinamamahalaan ng maayos.
Sa pamamagitan ng GDO, magkakaroon ng isang “physical baseline” ang pamahalaan ng ingat yaman ng bansa.
Nagbigay ng mga halimbawa ang kalihim tungkol sa mga ginagawa ng GDO, tulad ng pagtukoy sa aktwal na lawak ng kagubatan sa Pilipinas, pagsusuri ng mga walang-gamit na lupa na maaaring magamit sa ibang layunin, at pagtukoy kung mayroong mga protektadong lugar sa loob ng mga lugar na may mineral o wala.
PAGMIMINA
Sinabi ni David sa isang panayam na isa sa mga gawain ng GDO sa sektor ng pagmimina ay ang mga sumusunod:
- Ang pagsubaybay sa mga aktibidad sa mga lugar na pinag-aaralan para sa pagmimina.
- Pag-monitor sa lahat ng inaprubahang lugar para sa paggalugad ng mineral, at
- Ang pagtiyak na “walang nangyayaring pagmimina” sa lugar na bawal ang pagmimina.
REFORESTATION
- Isa pang gagawin ng GDO ay ang pagsubaybay sa mga pagsisikap ng DENR sa pagpaparami ng mga puno.
- Pag-fact check sa pamamagitan ng satelayt sa mga lugar na sinasabing natamnan ng puno.
- Alamin kung saan mas mataas ang pagkalbo ng kagubatan kaysa sa pagpaparami ng mga puno.
GAMIT TEKNOLOHIYA
Ayon na rin kay David, hindi magastos ang operasyon ng GDO dahil gumagamit ito ng libreng mga larawang satelayt at software na ginagamit na ng DENR. Noong 2023, may kabuuang budget na P3 milyon lamang para sa tanggapan.
“Sa mga proyekto sa pagpaparami ng mga puno, maaari naming suriin muna kung ang lokasyon ay angkop bago kami magtanim ng mga puno,” sabi niya sa panayam sa Rappler.
Ang pagtukoy sa mga lokasyon – at ang mga katangian ng lupa tulad ng taas at kahalumigmigan – ay mahalaga upang matiyak ang paglaki ng mga puno. Sa madaling salita, hindi masasayang ang perang inilaan para sa malalaking proyekto sa pagpaparami ng mga puno.
Habang patuloy ang inisyatiba sa pagmamapa ng DENR, sinabi ni David na umaasa sila na magtatayo rin ng kanilang sariling mga tanggapan sa spatial ang ibang mga ahensya ng gobyerno dahil ang kanilang database ay sumasakop lamang sa saklaw ng kanilang departamento.
PENCAS
Ang National Natural Resource Geospatial Database na bubuuin ng GDO ay magiging mahalaga sa pagpapatuoad ng batas na Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) na pinirmihan noong nakaraang Mayo ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ang PENCAS ay isang sistema na “nagkwe-kwenta sa buong halaga ng mga likas na yaman ng bansa na nakakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya.”
“Matagal na nating binibigyan ng halaga ang ating mga asset tulad ng mga export, gusali, at kalsada, at maging ang ating mga manggagawa, ngunit hindi natin binigyan ng halaga ang ating mga likas na yaman,” sabi ni David.