Voices

Duyan ka ng Magiting – Ang Salaysay at Saysay ng Araw ng Kagitingan

Taun-taon ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kagitingan, ngunit natanong mo na ba sa iyong sarili kung tungkol saan ba talaga ang araw na ito?

Marahil ay marami nang nakalimot na ang araw na ito ay isang araw ng pagsuko. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang ika-9 ng Abril ang nagmarka ng pagbagsak ng Bataan. Ito rin ang simula ng Bataan Death March – isa sa mga pinaka-malupit na kabanata sa ating kasaysayan.

Kung ang araw na ito ay isang araw ng pagsuko at pagkatalo, hindi ba isang malaking kabalintunaan na tawagin itong Araw ng Kagitingan? Paano naging magiting ang pagsuko?

At bakit nga ba mahalaga ang pag-alala sa konsepto ng pagiging magiting, kung wala naman tayo sa panahon ng digmaan ngayon?

Ngayong Araw ng Kagitingan, maituturing pa nga bang magiting ang mga Pilipino?

Kasaysayan ng Araw ng Kagitingan

Bataan, ika-9 ng Abril, 1942. Si Heneral Edward P. King ng hukbo ng Estados Unidos ay napilitang sumuko sa mga Hapon. Mahigit kumulang 76,000 sundalong Pilipino, Amerikano, at Tsino ay isinuko ang kanilang mga armas, at napilitang mag martsa papuntang San Fernando.

Sa pagmartsang ito, libo-libong sundalo ang namatay dahil sa sakit at pagkagutom. Dahil dito, ito’y binansagang “Bataan Death March” – ang martsa ng kamatayan.

Ang pagsuko ng Bataan ay nagpabilis sa pagbagsak ng Corregidor, ang isa sa pinaka mahalagang kuta ng mga Amerikano sa Asya-Pasipiko. Ngunit, marami mga mananalaysay na nagsasabing ang pagsukong ito ang dahilan sa pagbagal ng pag-usad ng mga hukbong Hapones.

Napilitan silang pagtuunan ng pansin ang Pilipinas, kaya’t nagkaroon ng pagkakataon ang mga Hukbong Alyado na maghanda sa iba pang sagupaan sa Asya-Pasipiko. Sa kinalaunan ay nabawi ng hukbong Amerikano at Pilipino ang Bataan noong Pebrero 8, 1945.

Noong 1961, ipinasa ng kongreso ang Republic Act 3022, na nagdeklara sa ika-9 ng Abril bilang “Araw ng Bataan” (Bataan Day). Pinalitan ang pangalan nito bilang “Araw ng Kagitingan” noong 1987 (sa bisa ng Executive Order 203), bilang paggunita sa katapangan at kagitingan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.

Ang Dambana ng Kagitingan

Ang pagpalit ng pangalan ng pagdiriwang na ito ay mahalaga dahil sa katumbas na paglipat ng tuon sa paksang pinagpapahalagahan. Hindi lamang ang Bataan at ang kanyang pagbagsak ang inaalala sa araw na ito – ngayon, ang Araw ng Kagitingan ay nagsisilbing pag-alala sa giting at tapang ng bawat Pilipino.

Simbulo ng ala-alang ito ay ang Dambana ng Kagitingan, sa bundok ng Samat, na nagsilbing huling bantayog ng kagitingan bago isinuko ang Bataan.

Dito itinayo ang Memorial Cross, isa sa pinaka-malaking krus sa buong mundo. Bukod sa pagsisilbing paggalang sa mga buhay na nawala sa makasaysayang lugar na ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Memorial Cross ay isang simbulo din ng giting at tapang ng mga Pilipino sa iba’t ibang punto ng ating kasaysayan.

Sa paanan ng krus ay mayroong mga ukit ni Napoleon Abueva, Pambansang Alagad ng Sining para sa Iskultura. Bukod sa pagpapakita ng mga imahen noong digmaan, ipinapakita din nito ang iba pang mga kaganapan sa ating kasaysayan, tulad ng pagbaril kay Jose Rizal, at ang pag-aaklas ni Lapu-Lapu laban sa mga Espanyol.

Kung titingnan ang simbolismo ng Dambana ng Kagitingan, maaaring isipin na nasa pundasyon ng ating bansa ang giting ng bawat Pilipino, na hindi sumusuko sa harap ng mga pagsubok.

Pilipinas bilang duyan ng mga magiting

Ang Araw ng Kagitingan ay isang pagkakataon para maalala na ang kagitingan ay likas sa ating mga Pilipino. At higit sa lahat, ito’y hindi lamang naipamamalas sa panahon ng digmaan, kundi pati na rin sa mga pang araw-araw na pagsubok.

Ang isa pang mahalagang paalala ay ang ating sariling pambansang awit, ang Lupang Hinirang:

“Lupang hinirang, duyan ka ng magiting – sa manlulupig, di ka pasisiil!”

Ating tandaan na ang bawat Pilipino ay may taglay na giting. Ito’y totoo di lamang laban sa mga dayuhang pilit na nanghihimasok, kundi pati na rin sa mga bantang nanggagaling mismo sa loob ng ating bansa.

Kaya mabuhay ka, Pinoy! Nawa’y ang Araw ng Kagitingan ay magsilbing paalala sa iyo, na kailanman ay hindi tayo pasisiil.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *