fbpx
Breaking The Habit

5 Gabay para sa 2019 Philippine Elections

Eleksyon na naman! May pagkakataon na naman po tayong maghalal ng bagong mga pinuno. Excited na ba kayo?

Kada tatlong taon, sinusuyo tayo ng iba’t-ibang mga kandidato. May mga batikang kandidato, at may mga baguhan din. Ngunit pare-pareho lang kanilang gustong mangyari — ang makuha ang ating loob, at ang ating boto.

Ito ang ating pagkakataon na tumulong sa bayan sa pamamagitan ng pag-gamit sa ating karapatang bumoto. Tungkulin natin na siguraduhing ang boto natin ay hindi masasayang.

Heto ang aming limang munting gabay para sa 2019 elections. Ito’y mga puntong kung iisipin ay hindi naman bago, pero minsan ay nakakalimutan din natin. Sana magsilbing paalala ang mga ito para sa ating lahat ngayong darating na halalan.

Advertisement

1. Bali-balita! Piliin nang maigi ang pinagkukunan ng impormasyon.

Sa panahon ngayon, napakahalagang mag-ingat sa fake news. Buti na lang, hindi katulad ng dati, napakarami na nating mababasa at mapakikinggan para sa balita. Piliin natin ng maigi ang mga pagkukunan natin ng impormasyon.

Para sa impormasyon tungkol sa mga kandidato, ugaliing tumingin di lamang ng dyaryo at telebisyon. Gamitin din ang Facebook, Twitter, at iba pa.

Dahil sa internet, mabilis nating nakukuha ang impormasyong kailangan natin. Ngunit, responsibilidad natin na siguraduhing totoo at walang kinikilingan ang ating mga pinaniniwalaang balita.

2. Sino ka? Kilalanin ang mga kandidato.

Masaya na may pa-song-and-dance ang mga kandidato, pero huwag tayong magpapadala dito.

Hindi nakabase sa galing ng pagkanta at pagsayaw ng isang kandidato kung gaano siya kagaling na mambabatas. Hindi sapat na sikat sila, o artistahin at napapanood sa TV. Ang isang kandidato ay dapat may kakayahan, maaasahan, at may platapormang makapagpapabuti ng ating bansa.

Ang isang kandidato ay dapat tapat at may integridad, at dapat ito ay nakikita sa mga platapormong nais nilang isulong. Tungkulin natin na kilalanin ang mga kandidato upang malaman kung karapat-dapat nilang makuha ang boto natin.

3. Anong isyu mo? Kilatisin ang iyong boto!

Karugtong ng pagkilala sa mga kandidato ang pag-alam sa mga isyung ipinaglalaban nila. Gusto ba nila ng mas pantay na karapatan para sa lahat? Gusto ba nilang alagaan ang kapakanan ng ating mga manggagawa?

Dapat malinaw ang dahilan kung bakit natin iboboto ang isang kandidato. Ang mga isyu na kanilang ipinaglalaban ay dapat sumasalamin sa sarili nating mga hinaing. Sa pamamagitan nito, malalaman natin kung talagang may mabuti silang maidudulot para sa ating mga pamilya at para sa ating komunidad.

Kung hindi naman natin nakikita ang katuturan ng mga isyung pinaglalaban nila, alamin natin kung bakit ‘yon ang kanilang pinaglalaban. Baka naman isa itong isyu na nakaaapekto sa ibang mga komunidad. Responsibilidad nating kilatisin ang mga kandidato – di lamang ang kanilang pagkatao, kung hindi pati ang mga isyung kanilang ipinaglalaban.

4. Ansabe? Alamin ang opinyon ng iba.

Hindi sapat na bumuo lang tayo ng sarili nating opinyon. Kailangan nating makipag-usap sa ibang tao, para mahasa ang ating mga paniniwala.

Magandang simula ang pakikipag-debate sa mga kaibigan at mga kapamilya na kasalungat ang mga paniniwala. Alamin kung bakit nila sinusuportahan ang mga kandidato nila. Malay mo, may matutunan ka pa.

Huwag hayaang maging “echo chamber” ang social media, na kung saan bumabalik lang sayo ang iyong mga sariling opinyon. I-follow ang mga may kasalungat na ideya kaysa sayo. Subukan na magsimula ng isang diskurso na may katuturan, upang magkaroon ng malinaw na usapan.

Gamitin ang social media para makipag-ugnayan sa iba’t ibang klaseng tao. Ugaliing makipag-usap nang may katuturan at hindi puro atake lang sa mga taong kasalungat ang paniniwala.

5. E di ano pa, bumoto ka!

Walang saysay ang pagbabasa at pakikipag-debate kung hindi tayo mismo lalabas at boboto sa araw ng eleksyon.

Siguraduhing matulog nang maaga para may lakas ka, at bumangon nang maaga. Agahan ang pagpunta sa iyong nakatalagang presinto para di makipag-siksikan. Kumain ng agahan, at ‘wag kalimutang magdala ng tubig at payong.

Huwag mo din kalimutang dalhin ang iyong voter’s ID. Makabubuti rin na magdala ng listahan ng mga iboboto mo, para siguradong wala kang makalimutan.

At tandaan – para hindi ma-disqualify ang boto mo, ugaliing i-shade ng mabuti ang oblong. Siguraduhing ma-shade nang buo at wag lalampas. At higit sa lahat, mag-shade lamang ng tamang bilang ng kandidato sa bawat posisyon.

***

Ipagmalaki mo, dahil ginagamit mo ang iyong karapatan para bumoto, at ginagampanan ang iyong tungkulin bilang isang mamamayan ng Pilipinas. Maraming namatay para maka boto ka!

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close