Money Matters

5 na Paraan Para Makatipid Ngayong Pasko

Pasko na naman. Panahon na naman ng mga Christmas parties, bigayan ng regalo, reunion ng mga kaibigan at kamag-anak, at kung anu-ano pang okasyon. Syempre, aminin mo man o hindi, panahon din ito ng paggastos. Handa na ba ang iyong bulsa o pitaka para dito? Kung gusto mong makatipid ngayong Pasko, heto ang ilan sa aming mga tips para sa iyo:

Magtiyagang Maghanap ng Naka-Sale na Pangregalo

Pagpasok ng Disyembre ay naglalabasan na ang mga sale sa mga malls at tiyangge. Kung gusto mong makatipid kahit kaunti, maging matiyaga sa paghahanap ng mga ipangreregalo na may diskwento o naka-sale. Mapa-laruan man o damit, paniguradong may mahahanap ka na pasok sa iyong budget. Tandaan, hindi naman kailangang maging mamahalin ang iyong ireregalo sa mga inaanak, kamag-anak, at kaibigan. Mas mahalaga na naalala mo sila ngayong Pasko.

Huwag Bumili ng Pangbalot ng Regalo

Hindi naman na kailangang bumili pa ng mga gift wrappers sa mga malls o bookstores para sa iyong mga regalo. Mas mainam na mag-recycle nalang sa pamamagitan ng paggamit ng mga lumang magazines o dyaryo. Nakatipid ka na, nakatulong ka pa sa kalikasan at naging mabuting halimbawa sa mga bata at ibang tao. Iyong mga matatanggap mo? Baka pwede mong i-recycle ang mga pambalot nila sa susunod na taon!

Ilista ang mga Kailangang Bilhin pag Nag-Grocery

Malamang ay naging kagawian mo na ding bumili ng mga bagay na hindi mo naman talaga kailangan habang ikaw ay naggro-grocery. Ang resulta? Lagi kang lumalampas sa itinakda mong budget. Ang solusyon dito ay ang paggawa ng listahan ng mga kailangan mong bilhin bago magpunta ng supermarket o palengke. Syempre, hindi ito magiging epektibo kung wala kang self-control at disiplina. Sundin mo ang iyong listahan at paniguradong malaki ang matitipid mo.

Gumamit ng mga Simpleng Dekorasyon sa Bahay

Sa halip na palibutan mo ng Christmas lights ang iyong bahay, bakit hindi na lamang pumili ng mas simpleng mga dekorasyon? Isang halimbawa ay ang parol. Bukod sa hindi mo na kakailanganin ng kuryente, tinatangkilik mo pa ang sariling atin. Higit sa lahat, ramdam na ramdam mo pa din ang diwa ng pasko pag nakikita mo ang mga parol na nakasabit sa iyong bahay. Sila din ay munting paalala kung ano ang tunay na kahulugan ng pasko.

Ilista ang Iyong mga Gastusin Ngayong Pasko

Ang isa sa mga pinakamabisang paraan para makatipid ay ang paglilista ng iyong mga pagkakagastusan ngayong Pasko. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anu-anong mga bagay ang iyong dapat maging prayoridad katulad na lamang ng pagkain, bayarin kagaya ng kuryente at tubig, renta, at iba pa. Ang iba pang mga gastusin na hindi ganun ka-importante ay maaari mong bawasan para makatipid.

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *