Voices

5 mga regalo para sa mas makabuluhang pasko

Napakahalaga ng Pasko para sa ating mga Pilipino. Kilala pa nga tayo bilang isa sa mga bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskuhan. Mula Setyembre (simula ng “-ber months”) hanggang Enero. Setyembre pa lang, maririnig na ang mga Christmas songs kung saan-saan. Kasabay rin ang pagtatayo ng mga dekorasyong pang pasko sa mga malls at iba pang pampublikong lugar.

At aminin man natin o hindi, sa lahat ng seremonyang nakadikit sa Pasko, ang pagbibigay ng regalo ang pinaka-masaya. Sino bang hindi natutuwa kapag nakatatanggap ng regalo? May ilan ding ikinatutuwa ang mismong pagbibigay ng regalo, dahil nakagagaan ng damdamin kapag nakikita mong masaya ang nireregaluhan mo.

Ngunit, di rin mapagkakailang minsan ay sumosobra ang pagtuon natin ng pansin sa pagbibigay ng regalo. Nagiging laban ng pamahalan o pa-”bonggahan” ng ibibigay – sa makatuwid, masyadong nakatutok sa “materyal.”

Upang maiba, heto ang limang ideyang pang regalo, para sa mas makabuluhang pasko:

Pagtangkilik sa negosyo ng mga kamag-anak o kaibigan

May kilala ka bang kamag-anak o kaibigan na kasisimula lang ng negosyo? Siguro may kilala kang suma-sideline ng paggawa ng mga cookies o cake, o kaya naman ay mahilig mag benta ng kung anu-anong abubot sa mga weekend markets.

Isang makabuluhang regalo ngayong pasko ay pagtangkilik sa negosyo ng ating mga kamag-anak o kaibigan. Tulungan mo silang maging mas abala ngayong pasko, sa pag-order ng kanilang binebenta. Kung pwede ring ipang-regalo ang binebenta nila, mas mainam – natulungan mo na sila, may dagdag na panregalo ka pa.

Pagbibigay ng mga donasyon, o paglaan ng oras para mag-volunteer

Marami ka bang nakatambak na gamit sa bahay na hindi mo na kailangan? Magandang regalo ngayong pasko ang pag-donate ng mga ito sa mga taong nangangailangan.

Maraming NGO ang tumatanggap ng mga donasyon – mga lumang gamit, mga hindi sinusuot na damit, o kaya nama’t mga sobrang pagkain na de lata.

Pwede ring mag laan na kaunting oras para mag-volunteer, dahil karamihan sa mga NGO ay mas magiging abala ngayong kapaskuhan. Magtanong sa mga pinaka-malapit na NGO sa inyo, o ang mga may adhikain na malapit sa iyong puso.

Paghandog ng tulong sa mga “animal shelters”

Para naman sa mga taong mahilig sa mga hayop, maraming mga “animal shelters” ang nangangailangan ng tulong ngayong pasko. Mabuting magsama na rin ng kakilalang mahilig din sa hayop, at magkasamang magbigay ng tulong sa mga hayop na inabandona.

Kung talagang gugustuhin mo nga ay pwede ring kumupkop ng panibagong alagang hayop, o kaya naman ay kumbinsihin ang mga kakilala na imbes na bumili ng alagang hayop ay kumupkop na lang din. Sa pamamagitan nito, masisiguro mong may mabuting tirahan at maaalagaan ng mabuti ang mga dating palaboy, at mabibigyan sila ng isa pang pagkakataon.

Pag regalo ng karanasan imbis na materyal na bagay

Kailan ka huling bumisita sa theme park, o sa museo, o kaya naman ay dumayo sa isang lugar sa Pilipinas na hindi mo pa napupuntahan? Nasubukan niyo na bang umakyat ng bundok? Mag surfing? O kaya naman ay may beach o resort na matagal nang gustong bisitahin?

Ang karanasan ay isang regalong may kabuluhan, dahil hindi ito naluluma, at ikinayayaman pa ito ng buhay.

Maraming tao ngayon ang naglalaan ng budget para sa mga karanasan imbis na sa kagamitan. Kausapin ang iyong mga mahal sa buhay, magplano, sulitin ang mga nalalabing araw ng bakasyon ngayong taon, at gumawa ng mga bagong alaala.

Pag-linang ng panibagong kasanayan

Isa pang pwedeng regalong may kabuluhan ay ang pag-linang ng panibagong kasanayan – bagong wika kaya, o panibagong libangan o hobby? O kaya nama’y panibagong sportboxing, soccer, badminton?

Maraming iba’t ibang mga klase ang pwedeng salihan upang may mga bagong bagay na matutunan. At katulad ng mga karanasan, ang isang panibagong kasanayan ay magagamit ng iyong pagreregaluhan pang-habambuhay.

***

Paunawa ng may akda: Sana’y nagkaroon ka ng mga panibagong ideya para sa mga pwedeng panregalo sa pasko. Wala namang mali sa pagreregalo ng mga materyal na bagay – pero minsan, nakalilimutan nating hindi nasusukat sa presyo ang kabuluhan ng isang bagay.

Ang mga regalong pinaka-makabuluhan ay yung mga pinag-isipan, at ibinigay ng bukal sa kalooban!

Show More

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *