
Panawagang i-livestream ang imbestigasyon ng ICI
Umaalma ang ilan dahil hindi isasapubliko ang imbestigasyon ng ICI (Independent Commission for Infrastructure). Sa madaling salita, ito’y “closed doors” at malalaman na lamang ng publiko ang findings nito.
Hindi katulad ng mga hearing sa Senado at Kongreso, wala tayong mapapanood na pagtatanong, paglalatag ng ebidensya, at iba pa. Hindi ba’t isang kabalintunaan? Ang mismong iskandalo na kanilang iniimbestigahan — mga kuwestiyonableng proyekto sa imprastruktura na nilustay ang pondo ng taumbayan — ay nakaugat sa lihim, sabwatan, at kultura ng kawalang-pananagutan.
Masasabi nga na ang pagsasara ng pagdinig sa publiko at midya ay tila pag-uulit lamang ng parehong mga gawi ng pagtatakip na nagbigay-daan sa katiwalian. Paano tayo makatitiyak na matuwid ang magiging imbestigasyon ng ICI?
Kawalan ng kredibilidad
Ilang mambabatas at grupong sibiko ang nananawagan: dapat makita at masubaybayan ng taumbayan ang proseso. Tinawag ni Sen. Kiko Pangilinan na “mali at hindi makabubuti” ang desisyon ng ICI, habang iginiit ni Rep. Leila de Lima na lalo lamang nababawasan ang kredibilidad ng isang komisyon na limitado na nga sa recommendatory powers at walang kapangyarihang magpataw ng contempt.
Ang tanong ng publiko: ano ang itinatago at sino ang pinoprotektahan?
Paliwanag ng mga opisyal ng ICI, nais nilang iwasan ang “trial by publicity.” Ngunit para sa ilan, ipinapakita lamang nito ang kakulangan ng tiwala ng komisyon sa sarili nitong kakayahang magsagawa ng patas at propesyonal na imbestigasyon. Kung ang Kongreso ay kayang magdaos ng mga bukas na pagdinig na sinusubaybayan ng libo-libong Pilipino online, bakit hindi kayang gawin ito para sa imbestigasyon ng ICI?
Sa huli, ang pagiging bukas at malinaw ay hindi nagbubura ng integridad — ito ang nagpapatibay nito. Para matiyak ng publiko na tunay ang imbestigasyon at hindi palabas lamang, kailangang ipakita ng ICI na wala itong itinatago. Kung nais nitong mapanatili ang tiwala ng taumbayan, walang ibang daan kundi ang buksan ang pintuan ng kanilang mga pagdinig.